ABS-CBN News
Posted at Aug 18 2017 08:14 PM
Ilang araw matapos ang aksidente, humarap sa camera ang ina ng pamilyang naipit sa kotseng nabagsakan ng cement mixer sa Mindanao Avenue sa Quezon City. Ikinuwento niya ang mga huling sandali ng asawa.
Tagos sa puso ang pag-iyak ni Marife Ramos at may ilang beses siyang kinailangang uminom ng tubig para kalmahin ang sarili habang kinukuwento ang nangyaring aksidente noong Martes sa Mindanao Avenue.
Humihingi siya ng tawad sa kanyang asawang si Ulysses Ramos.
“Hon, pasensiya ka na di ka namin natulungan… di ko rin kaya, kahit ako di ko kaya. Sorry na, sorry talaga,” hinagpis ni Marife.
Kuwento ni Marife, magkasama silang mag-asawa na pumunta ng bangko bago mangyari ang aksidente. Matapos nito ay kinuha nila ang bulldog na binili ni Ulysses bilang surpresa sa mga bata.
“Sobrang tuwang-tuwa siya doon sa dog tapos sabi niya matutuwa ang mga anak natin dito,” ani Marife.
Nagdesisyon silang isama ang mga bata, pati ang aso para mag-grocery at sumakay ang mag-anak sa kanilang kotse.
Si Ulysses ang nag-drive at katabi niya ang panganay nilang anak. Sa likod ni Ulysses umupo si Marife at katabi naman niya ang dalawang mas maliliit na bata.
“Natatandaan ko lang na doon sa loob ng kotse ang saya saya nila, ang saya saya namin. Tinitignan ko lang silang mag-aama,” lumuluhang kuwento ni Marife.
“Tapos na ano ko lang doon sa pinakaaksidente, ramdam na ramdam ko ‘yung pagtulak sa amin, sinilip ko sa likod. Biglang nabasag agad ‘yung salamin naming sa likod. Tapos biglang nag-'eeer', gumanu'n sa ulo ng asawa ko. Ramdam na ramdam ko na gumano'n sa ulo niya lahat,” paglalarawan ni Marife.
Salaysay pa ni Marife, nag-iyakan ang kanyang mga anak, natulala na lamang siya at napasambit siya ng “my God, oras ko na.”
Aniya, wala na siyang magawa noong mga panahong iyon kundi ang magdasal.
“Ako lang ang salita ng salita sa loob, ang asawa ko, ramdam na ramdam kong hinawakan niya ‘yung paa ko parang kinomfort niya ako na ‘please, cool down ka,” ani Marife.
Mainit aniya sa loob ng kotse at hindi niya alam kung paano tutulungan ang kanyang asawa at mga anak.
Tumagal ng dalawang oras bago sila nahatak sa sasakyan. Ligtas ang mag-iina pero kalaunan ay binawiaan na ng buhay si Ulysses.
“So blessed kasi parang hanggang sa huling pagkakataon... mas pinili niya sigurong sabihin sa Diyos na ‘ligtas mo lang ang mag-iina ko,’ kahit siya na magsakripisyo,” aniya.
Nakatakdang ilibing si Ulysses Ramos sa darating na Linggo.
Sa ngayon, hindi pa alam ni Marife kung paano mabuhay nang wala ang kanyang asawa pero ipinagdarasal niya na sana balang araw ay maintindihan niya kung bakit nangyari ito sa kanyang pamilya.
-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News
ctto: ABS-CBN
No comments:
Post a Comment